Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Nobyembre, 2007

MAHAL KA NG DIYOS

Sa lahat ng lugar ang ginawa ko ay ibabalita At kikilanlin ng lahat ang aking kapangyarihan.   Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Sion. Sabi nila,” Parang apoy na hindi namamatay Ang parusang igagawad ng Diyos. Sino ang makatatagal sa init niyon? Ngunit maliligtas kayo kung ang sinasabi ninyo’t ginagawa ay tama. Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan Para linlangin ang mahirap, Huwag kayong tatanggap ng suhol. Huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao O sa gumagawa ng kalikuan.  Sa gayon, magiging ligtas kayo, Parang nasa loob ng matibay na muog. Hindi kayo mawawalan ng pagkain at inumin.” Isaias 33:13-16

Dumating ka na ba sa puntong gustong mong sumuko dahil sa dami at bigat ng mga problema sa buhay na dumarating sa iyo?  Naramdaman mo na ba yung parang gusto mong tanungin ang Diyos kung andiyan nga ba Siya at kung totoo Siya?  Yung pagkakataon na naiisipan mo ng gayahin yung mga taong gumagawa ng di matuwid ngunit nananagana sa kanilang pamumuhay?  Huwag kang mahiya.  Aminin mo kung naramdaman mo ang mga bagay na iyan.  Natural iyan sa atin.  Kasi mga tao lamang tayo.

Pero sa bawat problemang dumarating, napapansin mo ba na may mga taong dumarating para tulungan ka?  Wala ka ng panggastos pero may kaibigan kang tumawag sa telepono na nag-aalok na pahiramin ka ng kaunting halaga.  Ubos na ang ulam sa hapag pero may taong kakatok sa pinto at mag-aabot sa iyo ng isang platong pansit o sopas dahil may handaan sa kanila.  Wala kang pamasahe papasok sa iyong trabaho pero may nakasabay kang kapitbahay na nanlibre sa iyo sa dyip.  Oo, mga tao sila na tumutulong sa iyo.  Pero di ka ba nagtataka kung bakit kung kailan mo kailangan ng panggastos, pagkain sa hapag o pamasahe sa dyip saka sila nagdaratingan?  Pagkakataon nga lang ba?

Kapatid, walang bagay na nangyayari ng di sinasadya.  Hindi totoo yung salitang nagkataon lang.  Lahat ay itinakda ng Panginoong Diyos sa tamang oras, lugar at pagkakatao. 

Madalas naiisip natin na tanungin ang Diyos, totoo Ka ba?  Kung andiyan Ka, bakit Mo hinahayaan na mahirapan ako at ang aking mga mahal sa buhay? Mabuting tao naman ako ah! Tumutulong naman ako sa kapwa ko! Di ako nanlalamang.  Di ako nang-aapi.  Di ako gumagawa ng masama at makasasakit sa aking kapwa.  Ganyan ang kadalasan nating sinasabi kapag nasa gipit tayo.  Kapag tayo ay nasa panahon ng pangangailangan.  Siya na walang ginawa kundi ang mahalin tayo ang lagi nating sinisisi sa bawat problemang dumarating sa atin.  Pero ni minsan ba nasabi mo sa sarili mo na di Ka niya pababayaan?  Na di Ka niya iiwan?  Na may mas maganda Siyang plano para sa iyo?

Kapatid, kagaya ng nasusulat sa mga talata sa umpisa ng artikulong ito, maliligtas tayo kung ang sinasabi natin at ginagawa ay tama.  Kaya wag kang mangamba Kapatid.  Ni wag kang manibugho sa mga di-matuwid na nasa paligid mo.  Dahil ang Diyos na ang nagsabi, magiging ligtas tayo, Parang nasa loob ng matibay na muog. Hindi tayo mawawalan ng pagkain at inumin.

 Kaya kapatid, wala ka bang trabaho sa mga oras na ito? O dili nama’y wala kang perang panggastos para sa mga araw na darating?  Huwag kang mangamba.  Ipagpatuloy mo ang paggawa ng matuwid at kanais-nais sa paningin Niya at tinitiyak sa iyo ng Diyos,  Hindi ka mawawalan ng pagkain at inumin.  Isa iyang garantiya mula sa pinakamagaling na Guarantor.

Read Full Post »

Older Posts »